Isang porter ang hinuli ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pag-iingat umano ng isang sachet ng shabu at pangongotong.
Kinilala ni Airport police Lt. Nestor Dugan, officer-in-charge ng Mobile Patrol Striking Force ang suspect na si Richard Husayan, 27, may-asawa, naninirahan sa 187 Airline Village, NAIA, Pasay City.
Si Husayan ay inaresto dakong alas-2: ng madaling araw nina Dharwin Moral at Adonis Montojo pawang miyembro ng Lanting Security Agency sa tulong nina Cpl. Salamangca at Cpl. Plaza matapos itong makitang kinokotongan ang pasaherong si Robin Cabaltea sa Parking A ng naturang paliparan.
Nakuha sa suspect ang isang plastic sachet na umano’y naglalaman ng shabu na itinago nito sa wrapper ng chewing gum at nakatago sa kanyang bulsa.
Ayon kay Dugan, ang suspek ay kabilang sa iligal porter na gumagala sa airport complex para mag-abang ng mga dumarating na pasahero sa loob ng Parking A kapag last flight na ang mga eroplanong dumarating mula sa Amerika at Hong Kong. (Butch Quejada)