Niliwanag kahapon ng pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na balik pasahe na P7.50 lamang ang sinimulang ipatupad mula Nobyembre 2 at hindi taas-pasahe gaya ng inaakala ng marami.
Ito ang sinabi ni LTFRB Chairman Thompson Lantion nang pormal nang pasimulan kahapon ang pagpapatupad sa P7.50 minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeep sa Metro Manila, Region 3 at 4.
Ayon kay Lantion, hindi na kailangan na magpalabas pa sila ng bagong taripa para dito dahil ibinabalik lamang naman ang pasahe na unang naipatupad noong nakaraang taon.
Disyembre 2006 ginawang P7.00 ang dating P7.50 minimum fare sa pasahe sa mga pampasaherong jeepney bilang pamaskong handog ng pamahalaan sa riding public.
Wala rin anyang taas-pasahe na magaganap sa pagtatapos ng taong ito.
Sa Nobyembre 9 isasalang ng LTFRB board ang pagdinig sa petisyong P1.50 taas sa singil sa pasahe ng transport groups.
Mahabang proseso anya ang kailangan bago maitaas ang pasahe sa mga pampasaherong sasakyan kayat ginagarantiya ng ahensya na sa pagtatapos ng taong 2007 ay walang fare increase sa anumang pampasaherong sasakyan sa bansa. (Angie dela Cruz)