4 pulis ‘kotong’ pinasisibak ni Lim

Inutos ni Manila Mayor Al­fredo Lim ang pagsibak sa apat na pulis ng Manila Police District-Station 4 kabilang na ang hepe ng isang anti-drug unit matapos na ma­sangkot sa pangingikil  sa dalawang babae kamakailan sa Maynila.

Kasabay nito, posible ring mabuwag ang buong unit na pina­mamahalaan ni Chief Inspector Resty Nicandro, anti-drugs chief of Station 4, ma­tapos na lumi­taw na anim din sa mga tauhan nito ang  nangikil ng P45,000  sa ilang mga inosen­teng sibilyan.               

Bukod kay Nicandro ang tatlong iba pa ay nakilalang sina SPO1 Maurito Reniedo, PO2 Christopher Pantaleon at Vic­torino Salao. Dalawang iba pa  ay sumasailalim pa sa masusing imbestigasyon.

Batay sa report na natang­gap ni Lim dakong alas-11:45 ng gabi noong Oktubre 29 nang maganap ang insidente.

Magkaangkas sa motorsiklo sina Ma. Jesusa Mana­lansang, 54; at Jennifer Capuso, 23, nang biglang harangin ng isang van sa panulukan ng Blumentritt  Exten­sion at Sto. Tomas Street sa Sam­paloc, Maynila.

Hiningi umano ni Pantaleon  ang lisensiya ni Mana­lansang subalit tinanggihan niya ito ay sabihing hindi puwede ang  stu­dent permit. Bunga nito isinakay ng  mga pulis ang da­lawang babae sa kanilang van ay dinala sa police station, na dito sila umano tinaniman ng ebidensiya at saka humihingi ng pera para sa kanilang kalayaan.  (Doris Franche)

Show comments