4 pulis ‘kotong’ pinasisibak ni Lim
Inutos ni Manila Mayor Alfredo Lim ang pagsibak sa apat na pulis ng Manila Police District-Station 4 kabilang na ang hepe ng isang anti-drug unit matapos na masangkot sa pangingikil sa dalawang babae kamakailan sa Maynila.
Kasabay nito, posible ring mabuwag ang buong unit na pinamamahalaan ni Chief Inspector Resty Nicandro, anti-drugs chief of Station 4, matapos na lumitaw na anim din sa mga tauhan nito ang nangikil ng P45,000 sa ilang mga inosenteng sibilyan.
Bukod kay Nicandro ang tatlong iba pa ay nakilalang sina SPO1 Maurito Reniedo, PO2 Christopher Pantaleon at Victorino Salao. Dalawang iba pa ay sumasailalim pa sa masusing imbestigasyon.
Batay sa report na natanggap ni Lim dakong alas-11:45 ng gabi noong Oktubre 29 nang maganap ang insidente.
Magkaangkas sa motorsiklo sina Ma. Jesusa Manalansang, 54; at Jennifer Capuso, 23, nang biglang harangin ng isang van sa panulukan ng Blumentritt Extension at Sto. Tomas Street sa Sampaloc, Maynila.
Hiningi umano ni Pantaleon ang lisensiya ni Manalansang subalit tinanggihan niya ito ay sabihing hindi puwede ang student permit. Bunga nito isinakay ng mga pulis ang dalawang babae sa kanilang van ay dinala sa police station, na dito sila umano tinaniman ng ebidensiya at saka humihingi ng pera para sa kanilang kalayaan. (Doris Franche)
- Latest
- Trending