Simula na ngayong Nobyembre 2, araw ng Biyernes ay maniningil na ang mga driver ng pampasaherong jeep ng P7.50 minimum na pasahe sa Metro Manila, Region 3 at 4.
Noong nakaraang linggo ay inutos ng pamunuan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang pagbabalik sa P7.50 sa minimum na pasahe sa jeep mula sa dating P7.00 minimum fare.
Magugunitang Nobyembre, 2006 ay P7.50 na ang minimum fare at pagdating ng Disyembre, 2006 ay ginawa ng LTFRB na P7.00 na lamang ang minimum na pasahe sa jeep bilang Pamaskong handog sa riding public at tumagal na ito ng ilang buwan.
Pero dahil sa umalma na ang iba’t ibang grupo ng transportasyon bunsod ng pagtaas ng halaga ng krudo at gasolina kada litro, nagsampa ng petisyon para sa fare increase ang mga jeep ng dagdag na P1.50 at P2.00 dagdag sa ordinary buses.
Gayunman, sinabi ni LTFRB Chairman Thompson Lantion na hindi napapanahon na maipatupad ang dagdag pasahe ngayong pagtatapos ng taon dahil kulang sila sa panahon at oras para busisiin ito ng LTFRB board.
Tanging ang pagbabalik ng minimum na pasahe na P7.50 lamang anya ang maipagkakaloob ng LTFRB sa kasalukuyan. (Angie Dela Cruz)