PNP nagbaba na ng alert status

Maliban sa Metro Manila at buong puwersa ng Special Action Force (SAF), ibinaba na kahapon ng Philippine Na­tional Police (PNP) ang alert status nito matapos ang isina­gawang Brgy. at Sangguniang Ka­bataan (SK) elections kama­kalawa sa bansa.

Sinabi ni PNP Directorate for Operations Chief Supt. Silverio Alarcio, ang Metro Manila na lamang ang nana­natiling nasa full alert status.

“As of 8 a.m., we have down­graded the full alert to heightened alert level, mean­ing, we are normalizing (ope­rations). But this is except for National Capital Region Police Office (NCRPO) and SAF,” pahayag ni Alarcio.

Sa kasalukuyan, ayon sa opisyal ay nakaalerto ang mga awtoridad sa mga poll sites na mainit pa rin ang labanan sa eleksyon sanhi ng ilang mga problema.

Kasabay nito, nagpatawag naman ng pagpupulong si PNP Chief Director General Avelino Razon Jr.  sa lahat ng mga Directorial Staff at Re­gional Directors upang mag­sa­gawa ng paghahanda ka­ugnay ng paggunita sa UNDAS sa Nobyembre 1 at 2.

Inihayag ni Razon na nasa “Undas mode” na ang PNP kung saan ay plantsado na ang isasagawang security measures. (Joy Cantos)

Show comments