110 guro ‘hinostage’ sa paaralan
Nagmistulang ‘hostage’ mula kamakalawa ng gabi ang nasa 110 guro ng isang pampublikong paaralan sa Quezon City ng ilang mga kandidato at supporters matapos na pigilan ang mga ito na makauwi dahil sa alingasngas ng dayaan.
Nabatid na ihahatid na sana ng mga guro ng Bagong Pag-asa Elementary School sa Brgy. Bagong Pag-asa ang mga ballot boxes sa Quezon City Hall matapos na bilangin nang harangin sila ng mga poll watchers at ilang kandidato at akusahan sila na minamaniobra ang eleksyon.
Ayon kay Salvador del Mundo, kandidato sa pagka-Kagawad, nagulat sila nang bigla na lamang magtangkang umalis ng mga guro sa kabila na hindi pa umano naisasapinal ang pagbibilang. May mga nabalitaan din umano sila na nakitaan ang ilang mga guro na may bungkos ng pera.
Iginiit naman ng isa sa mga guro na si Elma Sabugo na tapos na ang kanilang pagbibilang kung saan naka-selyado na ang mga ballot boxes at kailangan nilang dalhin na lamang sa munisipyo.
Inireklamo ng mga ito ang matinding pagod na nadagdagan pa ng tensyon dahil sa ginawang harassment sa kanila ng mga poll watcher at mga kandidato.
Inamin naman ni Pag-asa Elem. School principal Joseph Acio na siya na ang nag-utos sa mga guro na manatili na lamang sa paaralan hanggang hindi naaayos ang gulo.
Natapos lamang ang gulo at mahigit sa 10 oras na pagkakakulong sa paaralan ng mga guro dakong alas-9 kahapon nang umaga nang tuluyang maliwanagan na ang mga nagbabantay at makalabas na ang mga guro.
Umiral naman ang tensyon dakong alas-3 ng madaling araw sa Bagong Pag-asa Elementary School nang muntik nang magsuntukan si Brgy. Chairman Penny Bilaos at abogadong si Ryan Quilala nang magtalo dahil sa pagpapatigil ng bilangan ng huli.
Nag-umpisa ang bangayan nang ipatigil ang bilangan ni Quilala, abogado ng kalabang partido ni Bilaos, dahil sa mga paglabag tulad ng walang itinalaga na secretary, hindi pagkuha ng minutes of proceeding at hindi ipinapakita sa mga watcher ang election returns bago bilangin.
Dito na sumugod si Bilaos dahil sa bagal ng bilangan na nauwi sa muntik nang pagsusuntukan ng dalawa. Natigil lamang ito nang rumesponde ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at pinalabas na lamang ang dalawa habang mga watcher na lamang ang pinanatili sa loob ng canvassing area.
- Latest
- Trending