Mga tulay ng MMDA delikado

Naging sentro umano ng bentahan ng ipinagba­bawal na droga, pinagku­kutaan o tambayan ng mga babaeng nagbebenta ng aliw at ng mga snatcher/holdaper ang mga itina­yong footbridges ng Metro­politan Manila Develop­ment Authority (MMDA).

Kaugnay nito naalarma si MMDA Chairman Bayani Fernando sa napaulat na ginagamit ang mga itina­yong footbridges bilang front  ng prostitusyon at ma­ging ang lantarang bentahan ng iligal na droga.

Batay sa natanggap na ulat ni Fernando, kabilang dito ang footbridges sa Cubao, Quezon   City na umano’y naging tambayan na ng mga ‘bugaw’ at ba­baeng nagbebenta ng pa­nandaliang-aliw.

Bukod dito, ilang mga footbridges din sa Maynila, Pasay at Parañaque City ang inirereklamong tamba­yan ng mga drug pushers, drug users at mga holdaper na bumibiktima naman sa mga estudyanteng nagda­raan sa tulay na ipinatayo ng nasabing ahensiya.

Sinabi pa ni Fernando na makikipag-ugnayan siya kay National Capital Re­gion Police Office (NCRPO) chief Deputy Director Geary Barias upang mabantayan ng mga awtoridad ang ipina­tayo nilang footbridges.

Gayunman, nilinaw ni Fernando na wala na sa ilalim ng kanilang kapang­yarihan ang pagbibigay ng seguridad sa mga taong gumagamit ng ipinatayo nilang tawiran bagama’t naaalarma rin sila sa mga ulat dahil posibleng gawin itong dahilan upang hindi na gumamit pa ng mga footbridges ang mga tumatawid.

Nabatid pa kay Fer­nando na sa oras na ma­dala umano ang mga pedestrians na gumamit ng mga footbridges sa pa­ngambang mabiktima sila ng mga holdaper, drug pushers at iba pang masa­samang elemento, tiyak na makakaapekto na naman sa daloy ng trapiko ang pagtawid nila sa lan­sangan at magsisilbi pa itong pa­nganib sa kanilang buhay.

Ayon pa kay Fernando na posibleng ang mga gumagawa ng illegal na aktibidades sa mga foot­bridges ang may kagaga­wan din ng paninira at pagnanakaw sa mga ini­lagay nilang ilaw at mga signages upang maging malaya at walang sagabal sa kanilang masamang gawain.   (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments