Mga tulay ng MMDA delikado
Naging sentro umano ng bentahan ng ipinagbabawal na droga, pinagkukutaan o tambayan ng mga babaeng nagbebenta ng aliw at ng mga snatcher/holdaper ang mga itinayong footbridges ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Kaugnay nito naalarma si MMDA Chairman Bayani Fernando sa napaulat na ginagamit ang mga itinayong footbridges bilang front ng prostitusyon at maging ang lantarang bentahan ng iligal na droga.
Batay sa natanggap na ulat ni Fernando, kabilang dito ang footbridges sa Cubao,
Bukod dito, ilang mga footbridges din sa Maynila, Pasay at Parañaque City ang inirereklamong tambayan ng mga drug pushers, drug users at mga holdaper na bumibiktima naman sa mga estudyanteng nagdaraan sa tulay na ipinatayo ng nasabing ahensiya.
Sinabi pa ni Fernando na makikipag-ugnayan siya kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Deputy Director Geary Barias upang mabantayan ng mga awtoridad ang ipinatayo nilang footbridges.
Gayunman, nilinaw ni Fernando na wala na sa ilalim ng kanilang kapangyarihan ang pagbibigay ng seguridad sa mga taong gumagamit ng ipinatayo nilang tawiran bagama’t naaalarma rin sila sa mga ulat dahil posibleng gawin itong dahilan upang hindi na gumamit pa ng mga footbridges ang mga tumatawid.
Nabatid pa kay Fernando na sa oras na madala umano ang mga pedestrians na gumamit ng mga footbridges sa pangambang mabiktima sila ng mga holdaper, drug pushers at iba pang masasamang elemento, tiyak na makakaapekto na naman sa daloy ng trapiko ang pagtawid nila sa lansangan at magsisilbi pa itong panganib sa kanilang buhay.
Ayon pa kay Fernando na posibleng ang mga gumagawa ng illegal na aktibidades sa mga footbridges ang may kagagawan din ng paninira at pagnanakaw sa mga inilagay nilang ilaw at mga signages upang maging malaya at walang sagabal sa kanilang masamang gawain. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending