282 illegal OFWs nasabat, pinigil sa NAIA
Umaabot na sa 282 illegal overseas Filipino workers (OFWs) na patungong Singapore, Hong Kong at Middle East ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Imigration (BI) at pinigilang makaalis ng bansa bilang resulta sa tuluy-tuloy na kampanya ng ahensya laban sa sindikato ng human trafficking at sa “escort service racket” sa Ninoy Aquino International Airport.
Ayon kay Immigration Commissioner Marcelino Libanan, umaabot sa 310 pasahero (282 OFWs at 28 foreigners) ang naharang at na-offload sa kanilang flights noong Hunyo 15 hanggang Sept. 30 sa NAIA Terminal 1 at Centennial Terminal 2. Sa nasabing bilang, nabatid na 260 Pinoy workers ay nagpanggap na turista at kulang-kulang ang mga iprinisintang dokumento sa mga immigration agents.
Hinarang at hindi pinayagang makalabas ng bansa ang mga OFWs dahil sa wala silang hawak na permiso mula sa Philippine Overseas Employment Administration at iba pang dokumento na nagpapatunay na sila’y legal na magtatrabaho sa ibang bansa.
Una nang inatasan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Libanan na pahintuin ang escort service racket sa NAIA upang maprotektahan ang interes ng mga manggagawang Pinoy sa ibang bansa. Ang escort racket ay sinasabing pinatatakbo ng mga “grafters” mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending