Eleksyon sa MM payapa – NCRPO
Idineklarang payapa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ginawang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections kahapon ng umaga sa buong Metro Manila.
Sinabi ni NCRPO Director Geary Barias na relatively peaceful ang naging umpisa ng halalan kung saan mga maliliit na insidente lamang ng karahasan ang naitala.
Kabilang dito ang mga ulat ng pagkakadiskubre sa mga flying voter’s sa iba’t ibang lungsod, paglabag ng ilang kandidato sa election code at bangayan ng mga watchers at supporters sa mga presinto.
Pangunahing minomonitor ng NCRPO ang 21 election hotspot dahil sa inaasahang pagtindi ng tensyon sa oras na ng bilangan ng mga balota. Sinabi ni Barias na hindi aalis ang mga itinalagang pulis sa mga polling precints hanggang hindi natatapos ang deklarasyon ng mga nanalong kandidato.
May kabuuang 5,000 pulis buhat sa limang police districts sa Kamaynilaan ang ipinakalat sa mga polling precints katulong ang mga augmentation forces buhat sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Iginiit rin nito na hindi maaaring makapasok sa mga polling precints ang mga pulis at pinayuhan na una munang magreklamo sa mga election officers upang ito ang agad na umaksyon sa mga sumbong ukol sa paglabag sa election code.
Umaabot na sa 38 katao ang naaresto sa Metro Manila sa paglabag sa gun ban at 160 sa buong bansa. Mas maliit umano ang mga bilang na ito kumpara sa nakaraang eleksyon nitong Mayo.
- Latest
- Trending