BMW tinangay sa QC
Muli na namang sumalakay ang mga kilabot na carjacker matapos na matangayan ang isang negosyante ng kanyang sports car habang iihi sana ito sa isang urinal sa gilid ng EDSA sa Quezon City kahapon ng umaga.
Nakilala ang biktima na si Jefferson Sy, 27-anyos, residente ng 4th street, Gracepark, Caloocan City. Natangay dito ang kanyang dark gray na BMW 747-I sports car (RCC-747).
Sa ulat ng Quezon City Police District-Station 10, dakong alas-10 ng umaga sa gilid ng EDSA malapit sa panulukan ng Quezon Ave. ay huminto umano si Sy at patungo sana sa urinal ng MMDA nang huminto naman ang isang asul na Toyota Tamaraw FX at bumaba ang dalawang hindi nakilalang suspek.
Tinutukan ng mga ito si Sy ng baril at puwersahang hiningi ang susi ng kotse nito. Wala namang nagawa ang biktima kundi sumunod at ibinigay ang susi sa takot na barilin siya.
Mabilis namang inireport ni Sy ang insidente sa Kamuning police station ngunit nabigo pa rin ang pulisya na mahabol ang mga suspek. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending