Maaari nang makapamasyal ang mga bata ng libre sa Manila Zoo hanggang Oktubre 31.
Ito ang nabatid mula kay Manila Mayor Alfredo Lim matapos niyang atasan si Parks and Recreation Bureau Engineer Deng Manimbo na gawing libre ang entrance ng mga bata upang makasama sa mga aktibidades ng local governments social welfare department (SWD) kasabay ng paggunita sa Children’s Month celebration o Pista ng Batang Pilipino.
Ayon kay Lim, ang pagbibigay ng libreng pagpasok sa Manila zoo ay bukas din sa mga bata mula sa ibang lungsod upang malaya ang mga ito na maipakita ang kanilang galing sa sining, pakikisalamuha at pagkikipaglaro.
Subalit mahigpit nitong sinabi na para lamang sa mga bata ang pagbibigay ng libreng entrance.
Sinabi naman ni Manimbo, nagpadagdag na siya ng personnel na magbabantay sa zoo, dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga mamamasyal sa nasabing lugar.
Ipinaliwanag ni Lim na mas dapat na binibigyan ng pagkakataon ang mga bata na makisalamuha at paunlarin ang kanilang talento at sarili na kanilang magagamit sa kanilang paglaki.
Nabatid na umaabot sa 650 bata ang sumali sa unang araw ng activities kasama ang kanilang mga magulang. (Doris Franche)