October 25, 2007 | 12:00am
Nabaril at napatay ng isang pulis ang isang holdaper sa jeep kamakalawa ng gabi sa Quiapo, Maynila. Ang suspect ay tinatayang nasa gulang na 20-22-anyos, mabilis namang nakatakas ang isa pa nitong kasamahan. Ayon sa ulat naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi sa Underpass ng Quezon Blvd. at Claro M. Recto sa Quiapo, Maynila. Nabatid na sumakay umano ang dalawang suspect sa may kanto ng Taft Avenue at Ayala Blvd. Pagsapit umano sa Quiapo ay nagdeklara ang mga ito ng holdap. Lingid sa kaalaman ng mga suspect sakay din sa naturang FX ang pulis na si SPO4 Ronelo Mendioro, 47, nakatalaga sa Manila Police District Detective Jail Management. Tinutukan ng mga suspect ng baril ang mga pasahero. Dito na nagpakilala ang parak na inumangan na babarilin ng isa sa mga suspect subalit inunahan ito ng pulis na naging dahilan ng kamatayan nito. Nataranta ang kasamahan nito na mabilis na bumaba sa FX at tuluyang nakatakas. (Grace dela Cruz)
Bartender nagbigti sa kumot
Nagbigti gamit ang isang kumot ng isang bartender matapos na makipagtalo sa kanyang live-in partner dahil lamang umano sa kung sino ang magbabayad ng kanilang bill ng kuryente kahapon ng madaling-araw sa Quezon City. Nakilala ang nasawi na si Virgilio Aguilar, 22, at residente ng Kasiyahan street, Brgy. Holy Spirit, ng naturang lungsod. Sa ulat ng pulisya, natagpuan ang nakabigting katawan ng biktima ng kanyang ka-live-in na nakilala lamang sa pangalang Angel, 21, isang waitress kahapon ng madaling-araw. Sa imbestigasyon, magkasabay na umuwi kamakalawa ng gabi buhat sa kanilang trabaho ang mag-live-in at nag-umpisa nang magtalo nang makita ang bill ng kanilang kuryente. Nagpasya naman si Angel na matulog na lamang sa kanilang sala at iniwan si Aguilar na mag-isa sa kanilang kuwarto. Naalimpungatan naman si Angel at pumasok ng kanilang kuwarto upang kumuha ng kumot nang makaramdam ng panlalamig kung saan bumungad sa kanya ang nakabitin na katawan ng kinakasama. Nagawa pang maisugod sa Gen. Malvar Hospital ang biktima ngunit hindi na rin ito naisalba ng mga manggagamot. (Danilo Garcia)
Sasakyan ng utol ni Tanya Garcia, kinarjack
Sugatan ang drayber ng kapatid ng actress na si Tanya Garcia makaraang ma-carjack ang minamaneho nitong Nissan X-Trail kahapon ng madaling-araw sa Pasig City. Nagpapagaling sa San Juan Medical Center sanhi ng tinamong isang tama ng bala ng baril sa kaliwang balikat ang biktimang si Lester Cruz, drayber ni Patrick Lyttle, kapatid ng nasabing actress. Base sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang pag-carjack sa nasabing sasakyan dakong alas-3 ng madaling-araw sa kahabaan ng Onyx St. Ortigas Center ng nasabing lungsod. Nauna rito, inutusan umano ni Lyttle ang kanyang drayber na mag-withdraw ng pera sa isang Automated Telling Machine (ATM) malapit sa tinutuluyang bahay at pinagamit dito ang kanyang Nissan X-Trail na may plakang ZGW-211. Sa salaysay ng biktima, matapos siyang makakuha ng pera sa sangay ng China Bank sa Ortigas at papasakay na sa sasakyan ay nilapitan siya ng tatlong mga suspek, dalawa ay armado ng baril at sapilitan siyang pinaaalis ng sasakyan. Subalit nanlaban ang drayber sa mga suspek dahilan upang barilin siya ng isa sa mga ito. Matapos ang insidente ay agad na sumakay ang mga suspek sa nasabing sasakyan at pinaharurot ito palayo. Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya para sa posibleng pagkakabawi at pag-aresto ng mga suspek. (Edwin Balasa)