6 Customs officials, sinuspinde ng Ombudsman
Sinuspinde ng tanggapan ng Ombudsman ng anim na bu wang preventive suspension ang 6 na opisyal ng Bureau of Customs (BOC) kaugnay ng umano’y pag-smuggle sa may 14 na luxury vehicles noong Pebrero ng taong ito.
Ang kautusan ay pinalabas ni Ombudsman Ma. Merceditas N. Gutierrez laban kina Jocelyn Dullas, Acting Chief ng Certificate of Payment Unit; Orlando Ronquillo, Rustico Mallari at Enrico Cruz, Examiners; Ebrahim Pankatan at Rodolfo Casis, Principal Appraisers, ang mga ito ay pawang mula sa BOC, Subic.
Ang kaso ay isinampa ng Dept. of Finance-Revenue Integrity Protection Service (DOF-RIPS) sa tanggapan ng Ombudsman na nagsabing noong Pebrero 10, 2007, ipinagbigay kaalaman nila ito kay Customs Commissioner Napoleon Morales hinggil sa umanoy pagpupuslit ng 16 na high-end luxury vehicles na naka-consign sa Hidemitsu Trading Corp.:, 4 na BMW passenger cars; 2 SUV Acura MDX passenger cars; isang Cadillac Escalade Ext pick up truck 2007; isang Cadillac Escalade Utility vehicle 2007; 3 Audi A8L passenger cars 2006; isang Corvette Convertible passenger car 2006; isang SUV Infinity FX45 2005; isang SUV Nissan Armada 2006; isang Mercedes Benz S550 passenger car 2006; at isang Mercedes Benz S350 passenger car 2006.
Sa ulat, ang naturang mga sasakyan ay nailabas mula sa Subic Bay Freeport Zone na hindi naipagbayad ng kaukulang buwis at duties sa pamahalaan.
Base sa imbestigasyon na isinagawa ng BOC’s Task Force Anti-Smuggling-Special Operation Group (TFAS-SOG), dalawa sa mga sasakyan, ang Mercedes Benz S550 at S350 ay nasa loob pa ng SBMA pero sa nalalabing 14 na sasakyan, 5 dito ay namataan sa Auto Trend Center sa Timog Avenue, Quezon City; 5 ay nakita sa Viper Auto Trading sa Circumferential Road, Angeles City; at ang 4 ay natagpuan sa number 7603 Sunset Valley Mansion, Angeles City.
Bagamat pinabulaanan ng mga respondents ang paratang sa kanila, sinabi ni Ombudsman Gutierrez na ang presencia ng kanilang pangalan at lagda sa dokumento ay isang prima facie presumption na ang mga ito ay may kinalaman sa naturang iregularidad. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending