2-anyos pinahirapan, itinapon pa sa basurahan
Malaki ang paniniwala ng pamunuan ng Manila Police District na isa na namang biktima ng pang-aabuso ang sinapit ng isang 2-anyos na bata matapos matagpuan ang bangkay nito sa kumpol ng basura sa Tondo, Maynila kahapon ng umaga.
Ang paslit ay tinatayang nakasuot ng t-shirt, walang salawal at semi-kalbo ang gupit ng buhok.
Nabatid mula sa imbestigasyon ni Det. Jonathan Bautista ng Manila Police District (MPD)-homicide section, nakita ang bangkay ng bata dakong alas-6:10 ng umaga sa kumpol ng mga basura sa harapan ng bahay sa 541 Road 2, Manotoc Subd., Gagalangin, Tondo.
Batay sa ibinigay na salaysay ng isang Lito Catupay, residente sa naturang lugar, kalalabas pa lamang nito sa kanilang bahay nang napuna ang nakahandusay na katawan ng isang paslit sa kumpol ng basura.
Aniya, inakala lamang umano nito na isang manika ang biktima kung kaya nilapitan niya ito at nang makumpirma na isang bata ay agad niyang ipinagbigay alam sa kanilang barangay na siyang nagreport sa pulisya.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, na puno ng pasa ang ulo at katawan ng paslit na hinihinalang sinaktan ito na nagresulta sa kanyang kamatayan.
Gayunman, sinabi naman ng mga residente ng nabanggit na lugar na hindi taga-roon ang naturang paslit kaya hinihinalang itinapon lamang ito sa lugar.
Samantala, sinabi naman ni MPD-Homicide division Chief Alejandro Yanquiling na patuloy na tutuntunin ng pulisya ang mga magulang ng nasabing bata. Masusing imbestigasyon pa rin ang isinasagawa ng pulisya para matukoy kung sino ang gumawa sa karumal-dumal na krimen sa paslit.
- Latest
- Trending