Nabigo ang dalawang kilabot na holdaper sa kanilang pambibiktima matapos na tamaan ng bala sa isang barilan sa pagitan ng pulisya, kamakalawa ng gabi sa Quezon City. Nakilala lamang ang dalawang sugatang suspek na sina Joven de Leon, ng Las Piñas City at Marvin Morta ng Paliparan, Dasmariñas, Cavite. Ayon sa ulat, naganap ang engkuwentro dakong alas-6 ng gabi sa Tomas Morato St., ng naturang lungsod.
Nabatid na unang hinablot ng dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo ang bag ng isang babae habang papatawid ito ng naturang kalsada. Agad namang nakahingi ng saklolo ang biktima sa pulisya na tiyempong nagpapatrulya sa naturang lugar kaya nagkaroon ng habulan. Nakorner naman ng mga pulis ang mga suspek na una umanong nagpaputok sa mga alagad ng batas. Dito magkasunod na tumimbuwang ang dalawa matapos na gumanti ng putok ang mga pulis. Mabilis namang isinugod sa pagamutan ang dalawang suspek at inoobserbahan ngayon sa East Avenue Medical Center. (Danilo Garcia)