350-kilo nabubulok na manok, nasabat
Nakumpiska ng mga tauhan ng Pasay City Police Intelligence Unit ang isang malaking plastic bag na naglalaman ng mga bulok na karne ng manok, kahapon ng madaling-araw sa nabanggit na lungsod.
Batay sa ulat ng Criminal Investigation Division (CID), ang 350-kilong nabubulok na karne ng manok ay hinihinalang idi-deliver sa Pasay City Public Market nang madiskubre dakong alas-12:01 ng madaling-araw nina SPO3 Soreno Aure at PO3 Romeo Pagulayan, nakatalaga sa Intelligence Unit ng Pasay City Police.
Nang dumating ang awtoridad sa lugar, wala na ang mga taong may dala ng malaking plastic na kinalalagyan ng nangangamoy na karne.
Nabatid naman sa ulat na isang concern citizen ang nagsumbong sa himpilan ng pulisya na may malaking plastic bag na naglalaman ng karne ng manok na nakatakdang ipuslit at ibinababa ng ilang lalaki sa Primero de Mayo St., ilang metro ang layo sa Pasay Public Market.
Nang suriin ang pinaghiwa-hiwang karne, natuklasan na ang mga ito ay kontaminado ng bacteria at hindi na angkop ibenta o kainin ng tao.
Ang mga nakumpiskang karne ng manok ay dinala sa tanggapan ng Pasay City Veterinary upang sunugin. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending