Sa ikaapat na pagkaka taon ngayong buwan ay muli na namang nagtaas ng presyo ng kanilang produktong Liquified Petrolium Gas (LPG) at krudo ang mga kompanya ng langis na sinimulan kahapon.
Dakong alas-12:01 ng madaling-araw ng simulang magtaas ng halagang 50 sentimos sa kanilang produktong gasoline, kerosene at diesel ang Shell na agad namang sinundan ng Petron at Total ganap na alas-6 ng umaga.
Dakong alas-12 ng tanghali ng sumunod ng katulad ding halaga ang Chevron habang inaasahan pang magsisipagsunod ang iba pang kompanya sa mga susunod na oras.
Bukod dito ay inanunsyo din ng Shell at Petron ang pagtaas nila ng 50 sentimos o kabuuang P5.50 kada 11 kg na tangke ng kanilang ibinibentang LPG.
Ayon sa mga tagapagsalita ng mga kompanya ng langis, kinakailangan na nila umanong ipasa sa consumers ang dagdag na presyo dahil sa muli na namang pagtaas ng presyo ng produkto sa pandaigdigang pamilihan.
Sa ngayon ay inasahan na muling magtataas ang presyo ng crude oil sa world market dahil sa papasok na taglamig sa mga oil importing countries.
Dahil dito saad pa ng mga tagapagsalita na posibleng magtutuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng LPG at krudo sa mga darating na buwan. (Edwin Balasa)