Dahil sa mga larong pambata, obrero kinatay ng kasamahan
Dahil sa walang maibahaging kuwento ukol sa mga lumang larong pambata, pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 37-anyos na obrero na kasamahan nito, kamakalawa ng gabi sa Sta. Mesa, Maynila.
Dead-on-arrival ang biktimang si Edwin Lopez, ng 3280 Magalllanes cor. Arellano Sts., Sta Mesa, sa Our Lady of Lourdes Hospital sanhi ng mga tama ng saksak sa katawan.
Habang hina-hunting naman ng pulisya ang suspek na si Joey Alano, 27, kasamahan sa trabaho ng biktima na tumakas matapos ang insidente.
Nabatid sa ulat na ang insidente ay naganap dakong alas-9 ng gabi sa loob mismo ng tinitirhan nilang bahay sa 3280 Magallanes corner Arellano Sts.
Bago ito ay masaya pa umanong nag-iinuman ang biktima, suspek at ilang kasamahan sa trabaho sa loob ng bahay ng kanilang employeer na pag-aari ni Engr. Michael Garcia.
Habang nag-iinuman ay nagkuwentuhan ang mga ito kung sino sa kanila ang may nalalaman pa sa mga larong pambata tulad ng piko, step no at pitik bulag.
Dahil sa kawalan ng maibabahaging kuwento ay isinagot ng suspek na sa suntukan na lamang sila magkuwentuhan na ikinagalit ng lasing na biktima kung kaya’t pumorma umano ang biktima na makikipagsuntukan ito sa suspek ngunit mabilis naman na naawat sila ng kasamahan nila.
Inakala naman ng biktima na naayos na ang lahat matapos silang magkamayan at magyakapan ngunit lingid sa kaalaman ng biktima ay pumasok ang suspek sa loob ng kanilang kuwarto at kumuha ng kutsilyo at walang sabi-sabing pinagsasaksak ang biktima.(Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending