5 empleyado ng towing company, tiklo sa kotong
Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang limang empleyado ng isang towing company na nagpanggap na mga traffic enforcers ng MMDA at kilala sa bansag na “Jumong Gang” habang nangongotong sa mga truck drivers na nakaparada sa isang highway sa Pasig City sa isinagawang entrapment operations.
Nakilala ang mga suspect na sina Marlon Estanislao, 35; Jerry Qolut Jacalne, 42; Ferdinand Perez, 28; Christopher Perez, 31; at Rommel Napoles, 23, pawang empleyado ng JB Towing Services.
Nabatid na ang pagkakaaresto sa mga suspek ay bunsod sa reklamo ng isang Rosebun Sularta na dalawang beses na nabiktima ng grupo ng suspek.
Ang mga suspek ay madalas umanong mag-abang ng mga paparadang mga trucks/van sa kahabaan ng Marcos Highway sa Pasig City habang ang mga drivers nito ay kakain.
Sa oras na makita umano ng mga suspek ang kanilang bibiktimahing truck ay bubutasin nila ang fuel hose nito dahilan upang tumagas ang krudo at kapag pinaandar ito ng driver ay hindi na ito makakalayo.
Bunsod nito’y mabilis umanong lalapit ang isa sa mga suspek at magpapakilalang miyembro ng MMDA at kunwa’y titikitan gayunman makikipag-usap uli ang suspek na ayusin na lamang ang kaso sa halagang P1,500 hanggang P3,200 upang maiwasan na hilain ang sasakyan.
Ayon sa biktimang si Sularta, dalawang beses na siyang nabiktima ng mga suspek, una noong Marso 27 at Abril 10, 2007 kung saan hiningan siya ng P3,200 para makaiwas hila at sa puntong ito na nagreport ang biktima sa NBI. Mabilis naman na nagsagawa ng surveillance operation ang NBI at nagsilbing pain ang biktima at sa aktong kinokotongan sila ng mga suspek ay inaresto ang mga ito.
Ipaghaharap naman ng kasong paglabag sa Robbery/Extortion ang mga suspek na kasalukuyang nakakulong sa detention cell ng NBI. (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending