2 karnaper timbog
Dalawang kilabot na karnaper ang natimbog ng mga tauhan ng Quezon City Police sa isinagawang operasyon sa Pampanga. Nakilala ang mga suspek na sina Danilo Tizon, 40, at Raymond Garcia, 21, kapwa residente ng Gatbuca, Calumpit, Bulacan. Sa ulat ng QCPD-Anti Carnapping Section, humingi ng saklolo nitong Martes ng madaling-araw ang biktimang si Benigno Alcantara matapos na mawala ang kanyang itim na Hyundai Starex van (XJS-752) na nakaparada sa tapat ng kanyang bahay sa #89 K2 St., Kamuning, Quezon City. Agad namang nagpalabas ng alarma ang QCPD at nakipagkoordinasyon sa Pampanga at Bulacan Police Provincial Office na pangunahing pinagdadalhan ng mga nakaw na mga sasakyan. Natunton naman ang ninakaw na sasakyan na nakaparada sa may McArthur Highway sa San Vicente, Apalit, Pampanga na dito lulan ang dalawang suspect na walang maipakitang papeles o dokumento ng sasakyan kung kaya agad na dinakip ang mga ito. (Danilo Garcia)
Driver napagkamalan, tinodas
Patay ang isang FX driver matapos na ito ay barilin ng isang lalaki na hinihinalang napagkamalan siyang kaaway, kamakalawa ng gabi sa Pasig City. Nakilala ang nasawi na si Alvin Salvo 22. binata at residente ng Palar, Makati City. Mabilis namang tumakas ang isang grupo ng mga hindi pa kilalang mga kalalakihan na responsable sa pagpaslang sa biktima. Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-9:20 ng gabi sa kahabaan ng Kapitan Ato St., Brgy. Sta Cruz ng nasabing lungsod. Nabatid na kakaparada pa lamang ng minamanehong FX taxi ng biktima sa bahay ng kanyang amo ng tawagin ito ng grupo ng suspek. Nang lumapit ang biktima ay kinumpronta ito at ilang saglit lang ay bigla na lang itong binaril ng isa sa mga salarin bago mabilis na nagsitakas. Agad namang isinugod sa nasabing pagamutan ang biktima subalit nasawi din ito ilang minuto ang nakalipas dahil sa tinamong tama ng bala sa kaliwang dibdib. Isang manhunt operation naman ang isinasagawa ng mga kagawad ng Pasig police para sa agarang pagkakadakip sa grupo ng mga suspek. (Edwin Balasa)