Isinampa kahapon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga operator ng pampublikong buses ang P2.50 fare-hike dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Sa petisyon na isinampa ng Integrated Metro bus Operators Association Inc. (IMBOA); Inter City Bus Operators Association (Interboa) at North-East Manila Bus Operators Group, hiniling nila ang pagtataas sa pasahe mula sa P8 patungo sa P10.50 sa unang limang kilometro.
Bukod dito, hiniling rin nila ang pagtataas sa kasalukuyang P1.75 ng 35 sentimo kada dagdag na kilometro. Iginiit rin ni Imboa president Claire dela Fuente na magsasampa rin sila ng hiwalay na pe tisyon sa LTFRB para itaas rin ang pasahe sa mga air conditioned buses ng 20 porsiyento.
Mistulang hostage naman ng mga bus oraganization ang LTFRB nang sabihin ni Dela Fuente na kanilang iaatras ang petisyon kung matutugunan ng pamahalaan ang mga isyu sa sektor ng transportasyon. Kabilang dito ang: pagbabago sa C5 U-turn slot sa Libis-Ortigas; pagpapababa sa computer fees na sinisingil ng Land Transportation Office-Stradcom; isyu sa Compulsory Third Party Liability insurance. Dagdag pa rito ang moratorium sa implementasyon ng mga ordinansa sa batas trapiko ng mga local government units (LGUs) at pagtatanggal sa 25% komisyon ng mga traffic enforcers. (Danilo Garcia)