Tatlong kabataang babae ang nasugatan makaraang tamaan ng shrapnel ng bala ng shotgun nang paputukan sila ng isang security guard dahil sa napagkamalang magnanakaw ang mga ito sa binabantayang subdibisyon sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Ginagamot sa East Avenue Medical Center ang mga biktimang sina Ma. Theresa Ricelon, 17; Marina Velas, 19; at Reynalin Tagalili, 19, pawang residente ng Brgy. Old Balara, ng naturang lungsod.
Arestado naman ang suspek na si Angelo Antonio, 28, ng Northern Isabela Security Agency at nakatalaga sa Capitol Homes sa Sitio Payona, sa naturang barangay.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Station 6, naganap ang insidente dakong ala-1 ng madaling araw sa naturang subdibisyon. Ayon kay Antonio, nagroronda siya nang mapansin ang mga dalagita sa madilim na bahagi ng subdibisyon at inakala niyang mga magnanakaw.
Dito nagpaputok ng warning shot si Antonio gamit ang kanyang shotgun ngunit itinutok nito ang baril sa semento sanhi upang tamaan ng shrapnel ang mga biktima. Huli na nang mabatid ni Antonio na mga babae pala ang kanyang pinaputukan at malubhang nasugatan dahil sa kanyang pagpaputok. Agad na isinugod ng mga opisyal ng barangay ang mga biktima sa pagamutan habang sumuko naman si Antonio.
Sa istasyon ng pulisya, iginiit ni Antonio na itinuro umano sa kanilang training ang pagpapaputok sa semento bilang warning shot upang walang tamaan kung sa ere ipuputok ang ka nilang baril. (Danilo Garcia)