Patay ang isang maintenance worker na namesake ng action star at character actor na si Dennis Roldan makaraang mahulog ito sa loob ng isang water tank at malunod, kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.
Batay sa ulat, umabot ng halos apat na oras bago nagawang maiahon ang bangkay ng biktimang si Dennis Roldan, 27 , stay-in maintenance ng Mahogany Tree Subdivision, Bambang, ng nabanggit na lungsod.
Base sa ulat ng Taguig Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-4 ng madaling-araw nang umpisahang linisin umano ng biktima ang mataas na water tank ng nasabing subdivision.
Napag-alaman na dahil sa may kadiliman umano ang loob ng nililinisang tangke ng biktima ay naglagay umano ito ng mahabang kurdon para pagkabitan ng ilaw upang matanaw ang loob ng idini-drain na tubig ng may 200-feet taas na water tank.
Una rito’y sinasabing, niyaya pa ng biktima ang isang kaibigan na magtampisaw at mag-swimming sa loob ng nasabing tangke habang meron pa itong laman na tubig.
Nang pumasok na umano sa loob ng tangke ang biktima at hindi na ito nakalabas pa ay agad na nagpasya ang pangasiwaan ng subdivision na alamin kung ano na ang nangyayari sa una.
Laking-gulat na lamang umano ng pangasiwaan nang matuklasang hindi na gumagalaw sa loob ng nasabing tangke ang biktima at ang masaklap pa ay nalunod na pala ito at patay na.
Nabatid na nagawa lamang maiahon ang bangkay ng biktima matapos na makahingi ng tulong ang mga residente sa mga kagawad ng Makati Rescue Team at sa Bureau of Fire Protection ng Taguig City.
Lumilitaw naman sa paunang imbestigasyon ng crime scene investigators na posibleng hindi namalayan umano ng biktima na nakabukas na ang drainage system ng water tank, tuluy-tuloy itong nahulog sa loob nito at sa bilis ng pagbaba ng tubig ay hindi na nito nakontrol pa ang sarili hanggang sa tuluyan itong malunod at masawi. (Rose Tamayo-Tesoro)