Nakatakdang magsagawa ng 4-day table-top exercise ang Australian Naval forces sa counterparts nito sa tropa ng Armed Forces of the Philippines na naglalayong mapalakas pa ang pagbabantay sa seguridad sa teritoryo ng karagatang nasasakupang ng bansa.
Ayon kay Navy Lt. Alex Garso, tagapagsalita ng Naval Forces Central, ang ikapitong yugto ng taunang Philippine Navy-Royal Australian Navy Exercise Lumbas 2007 ay sisimulan mula Miyerkules hanggang Sabado.
Sinabi ni Garson na aabot sa 200 hanggang 300 sundalong Pilipino ang lalahok sa pagsasanay.
Nabatid na ang Australian troops na lulan ng HMAS Parramatta ay dadaong sa Cebu City bukas kung saan ang nasabing barko ay may kapabilidad na lumutang at lumubog sa ilalim ng dagat, magsagawa ng surveillance, reconnaissance, interdiction operations at air defense.
Dahilan sa pormal na kick-off ng Lumbas 2007 ay aabot na sa tatlo ang bilang ng joint exercises sa pagitan ng Filipino troops at ng mga dayuhang hukbo na kaalyado ng Pilipinas.
Ang Philippine Air Force ‘Talon Vision’ exercises kasama ang American troops ay mag-uumpisa ngayong Martes sa Clark Air Base sa Pampanga at Subic Naval Base sa lalawigan ng Zambales. (Joy Cantos)