Sinalakay ng mga armadong kalalakihan ang isang banko kung saan natangay ang hindi pa ma batid na halaga ng salapi kahapon ng umaga sa Quezon City.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District (QCPD), naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng umaga nang salakayin ng anim na suspek ang United Coconut Planters Bank sa panulukan ng E. Rodriguez Avenue at Judge Jimenez St., sa naturang lungsod.
Nabatid na nabigla ang mga security guard ng naturang bangko nang biglang sumulpot ang mga suspek na armado ng mahahabang baril at agad silang dinisarmahan ng mga ito.
Naisakatuparan ng mga suspek ang panloloob sa loob lamang ng ilang minuto bago mabilis na tumakas sakay ng kanilang get-away vehicle na isang puting Toyota Corolla na may plakang WPZ-688 at isang Honda kotse na ipinarada sa katabing gasoline station.
Hindi pa naman matiyak kung magkano ang halagang natangay ng mga suspek sa naturang insidente at kung nabuksan ang safety vault ng bangko. Nagawang makalusot ng mga suspek sa pulisya nang makatakas patungo sa direksyon ng New Manila. Agad namang ipinag-utos ni QCPD Director Sr. Supt. Magtanggol Gatdula ang follow-up operations upang madakip ang mga suspek. (Danilo Garcia)