Bahay ng youth offender Itatayo sa Metro Manila
Inatasan kamakailan ng Department of Interior and Local Government ang mga alkalde ng Metro Manila na magtayo ng 24-oras na bahay para sa mga kabataang nasasangkot sa mga krimen upang tuluyang maialis ang mga ito sa mga kulungan kasama ang mga matatandang kriminal.
Sinabi ng DILG sa pamamagitan ng isang memorandum ni DILG Secretary Ronaldo Puno na dapat madaliin na ang pagtatayo ng naturang mga bahay para sa mga “children-in-conflict-with-the-law.
Sinabi ni Puno na isa lamang “short term” ang naturang mga pasilidad para sa pangangalaga sa mga bata na naghihintay ng disposisyon ng kanilang kaso buhat sa korte o ang utos na ilipat na sila sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development.
Nabatid sa pag-aaral na libu-libong mga kabataang sangkot sa krimen ang nakakaranas ng paghihirap sa mga city at provincial jails kung saan sila idiniditine kasama ang mga matatandang suspek sa mga krimen.
Hindi umano nakakatulong ito sa mga kabataan na sa halip na mailigtas ay nalulubog pa lalo sa kriminalidad.
Nakasaad sa Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act na obligasyon ng mga pinuno ng local government units ang pagtatayo ng naturang mga pasilidad para sa mga kabataan. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending