Dahil sa sunod-sunod na krimen sa mga kalsada sa Pasig City, minabuti ng pamunuang lungsod na maglagay ng mga Closed Circuit Television sa mga pangunahing kalsada at intersection upang malimitahan ang mga krimen.
Ito ay matapos na maging laganap ang holdapang kinasasangkutan ng mga motorcycle riding on tandem na kadalasang binibiktima ay mga bagong withdraw sa mga banko at ang dalawang sunod na away sa trapiko na ikinasawi ng isang vice president ng isang kompanya at babaeng kasama nito.
Ayon kay Pasig City Mayor Robert Eusebio, uunahing lagyan ng CCTV ang loob ng city hall at matapos nito ay lalagyan din ang mga tulay, pangunahing kalsada at intersection sa buong lungsod ng Pasig.
Nabatid na umaabot sa P5 milyong piso ang ilalaang pondo ng local na pamahalaan para matugunan ang lahat ng ito.
“Hindi natin ilalagay ang mga CCTV sa mga kalye para lang pagtakpan ang ginawa ng isang tao, ilalagay natin iyon upang mas mabilis na maresolba ang mga kaso,” pahayag ni Eusebio.
Bukod dito dinagdag pa ng Mayor na mas madaling mabibigyan ng solusyon ang mga kaso sa kalsada, trapiko, robbery at kung anu-ano pa kung makukuhanan ng kamera ang mukha ng mga taong dumadaan at may kinalaman dito.
Isa pa sa magiging tulong ng proyekto ang mabilis na pagkakaresponde ng awtoridad kung may sakuna dahil konektado ang CCTV na ilalagay nila sa Command post ng Pasig. (Edwin Balasa)