Arestado ang isang lalaki na itinuturong responsable sa sunud-sunod na pagnanakaw ng kawad ng Philippine Long Distance Telephone (PLDT) Company habang pinaghahanap pa ang dalawang kasamahan matapos na maaktuhan sa kanyang pangungulimbat, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City. Nakilala ang suspek na kasalukuyang nakakulong na si Ferdinand Velasco, 39, taga #160 C. Name Street ng nabanggit na lungsod. Pinaghahanap naman ng pulisya ang dalawang kasamahan ng naarestong suspek na mabilis na nakatakas. Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4 ng madaling-araw, isang residente ang tumawag sa nasabing himpilan hing gil sa pagnanakaw ng mga suspek ng kawad ng PLDT sa isang poste, na matatagpuan sa panulukan ng C. Name Street at 2nd Avenue ng nasabing lungsod. Mabilis na rumesponde ang mga pulis at naaktuhan ng mga ito ang naarestong suspek, na nasa taas ng poste habang abala sa pagtanggal ng kawad ng PLDT, samantalang ang dalawa nitong kasama ay mabilis na nakatakas. Nakuha sa pag-iingat ni Velasco ang 38 meters na kawad ng PLDT na tinatayang aabot sa halagang P11,000. (Lordeth Bonilla)