Patay na umano ang sinasabing killer ni QCPD Station 9 commander P/Supt. Jose Garcia ayon sa lumutang na testigo.
Sinabi ni QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit chief, Supt. Franklin Mabanag na po sitibong itinuro ng isa nilang testigo ang hindi pa nakikilalang salvage victim na siyang bumaril at nakapatay kay Col. Garcia noong Setyembre 29 sa loob ng bakuran ng bahay nito sa Veteran’s Village sa Quezon City.
Ayon kay Mabanag, isang dating miyembro umano ng New People’s Army (NPA) ang suspek hanggang sa naging police asset ni Col. Garcia. Nabatid na hindi umano pinahiram ng pera ni Col. Garcia ang suspek na nagtulak dito para maburyong at barilin ang opisyal.
Naikuwento naman umano ng suspek sa isa ring police asset ng QCPD ang pagpatay nito kay Col. Garcia at naibulalas rin ang problema sa pera. Lumapit naman sa QCPD ang naturang police asset at iniulat ang ikinuwento sa kanya ng suspek.
Natagpuan naman ang patay na suspek nitong nakaraang Miyerkules ng gabi sa Freedom Street, Luzon Avenue sa Bgy. Pasong Tamo. Nagtamo ito ng dalawang tama ng bala sa likod habang nakatali ang mga kamay ng isang packaging tape.
Narekober sa bangkay ang mga gamit na pinaniniwalaang pag-aari ni Col. Garcia tulad ng check book, mga bala, police badge. (Danilo Garcia)