Bunsod nang umano’y “onsehan” pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 25-anyos na ex-convict ng kabaro nito sa Sampaloc, Maynila kahapon ng umaga.
Ang biktimang si Jesus Capili, binata, miyembro ng Bahala na Gang, ng 444 Gov. Forbes, Sampaloc, Manila, ay namatay habang ginagamot sa Ospital ng Sampaloc sanhi ng tatlong tama ng saksak sa katawan.
Pinaghahanap naman ang suspek na nakilalang si Erick Tena, 23, binata ng 639 Geronimo St., Sampaloc na tumakas matapos ang insidente.
Nabatid sa imbestigasyon na ang insidente ay naganap dakong alas-7 ng umaga sa harapan ng isang bahay sa 444 Governor Forbes, Sampaloc, Manila.
Nauna rito nakita ng mga saksi ang masinsinang pag-uusap ng dalawa at ilang sandali pa ay naglabas ng patalim ang suspect at saka pinagsasaksak ang biktima.
Nabatid naman ng pulisya na magkaibigan ang dalawa at parehas umano na sangkot ang dalawa sa mga ilegal na aktibidades.
Sa rekord ng pulisya, limang taon na nakulong sa Manila City Jail ang biktima sa kasong robbery at ilang linggo pa lamang itong nakakalaya, samantalang ang suspek ay labas-masok din sa kulungan dahil din sa kasong panghoholdap at droga subalit nakakapagpiyansa umano ito.
Malaki ang hinala ng pulisya na nagkaonsehan ang dalawa sa kita nila sa kanilang “trabaho” kaya pinatay ng suspek ang biktima. (Grace dela Cruz)