Duelo: 2 sekyu dedo

Kapwa patay  ang da­lawang security guard makaraang magduwelo ang mga ito gamit ang baril at balisong sa hindi pa mabatid na dahilan, kama­kalawa ng gabi sa Quezon City.

Hindi na umabot ng buhay sa East Avenue Medical Center (EAMC) si Ireneo Tejedero, 51, ng #12 Unit 74 Vitas St., Tondo, Maynila bunga ng tinamong mga tama ng saksak ng balisong sa dibdib at katawan. Nasawi naman ang sekyu rin na si Guillermo Panganiban, 48, ng Kapito Lian, Ba­tangas matapos na mag­tamo naman ng tama ng bala ng kalibre .38 sa katawan.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Station 10, naganap ang krimen dakong alas-11 kamaka­lawa ng gabi sa loob ng pabrika ng DWL Food Product sa panulukan ng New York Street at EDSA sa naturang lungsod.

Nabatid na naka-duty si Tejedero nang bigla na lamang umanong lapitan ni Panganiban at sunud-sunod na undayan ng saksak sa katawan. Kahit na duguan, nagawa pa ring makabunot ng kan­yang baril si Tejedero at paputukan si Panganiban sanhi upang bumulagta rin ito.

Kapwa wala nang buhay ang dalawa nang rumesponde ang tauhan ng pulisya sa naturang lugar. Nagsasagawa na­man ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang mabatid ang motibo na pinag-ugatan ng ma­dugong krimen.

Show comments