Pacquiao sisingilin na sa utang sa Maynila
Matapos isnabin ni People’s Champ Manny Pacquiao ang hero’s welcome na inihanda sa kanya ng pamahalaang lungsod ng Maynila, sinisingil na ito ngayon ng city government sa pagkakautang sa buwis ng pag-aari niyang restaurant na dating nakatayo sa Baywalk ngunit ipinabuwag ni Manila Mayor Alfredo Lim.
Nabatid na umaabot sa P92,000 pa ang hindi nababayarang buwis ng Knockout Restaurant ni Paquiao sa Manila City Government.
Naniniwala naman si Lim na posibleng hindi alam ni Pacquiao na may kulang pa itong bayaring buwis dahil sigurado naman ito na ang kanyang accountant o manager ang nag-aasikaso sa mga ganitong usapin.
Samantala, sa kabila naman ng pagtanggi ni Pacquiao sa iginayak na motorcade para sa kanya, inihayag ni Lim na nananatiling adopted son pa rin ito ng Maynila.
Todo depensa rin naman si Lim kung bakit hindi naipalabas ng libre sa mga sports complex sa Maynila ang katatapos na laban ni Pacquiao kay Mexican boxer Marco Antonio Barrera.
Paliwanag ng alkalde, aabot sa P1.2 milyon (P400,000 bawat isa sa tatlong sports complex) ang gagastusin ng local government na pambayad sa Solar Sports para sa pagpapalabas ng laban kaya’t nagdesisyon silang huwag na lamang itong ituloy.
Nais umano nilang gastusin na lamang para sa mga pangunahing pangangailangan ng mga Manilenyo ang nasabing halaga. (Doris Franche)
- Latest
- Trending