Ginang binoga sa harap ni mister

Patay agad ang isang 38-anyos na babaeng trader ma­karaang barilin nang malapitan sa ulo ng isang hindi pa nakila­lang armadong lalaki sa harap pa mismo ng kanyang mister at ka­ibigang Indian National, ka­hapon ng madaling-araw sa Parañaque  City.

Wala ng buhay nang isu­god ng kanyang mister na si Fer­nando Nono at ng kaibigang Bom­bay na kinilalang si Manjin­der Singh sa San Juan de Dios Hospital ang bikti­mang si Chona Nono, resi­dente ng 16-H Ca­gayan St., Sta. Ana, Manila bunga ng tama ng cal. 45 sa ulo.

Batay sa isinagawang im­bestigasyon ng pulisya,  da­kong alas-12:45 ng madaling-araw nang maganap ang nasabing in­sidente sa bahagi ng Redemp­torist Road, ma­lapit sa isang kila­lang fast food chain, Brgy. Bac­laran, Pasay  City.

Kalalabas umano sa sim­ba­han ng biktima kasama ang mister nito at ng nasabing In­dian national at habang bu­mibili ang una ng doormat ay bigla itong nilapitan ng nag-iisang salarin na armado ng baril at agad na pina­putukan nang malapitan sa ulo.

Matapos ang pamamaril, ma­bilis na dinampot ng sus­pect ang hawak na bag ng duguan at nakabulagtang ginang at nag­lakad lamang ito na parang walang nangyari patungo sa   Aguarra St.  sa naturang lugar.

Agad dinala sa na­turang pa­ga­mutan ang biktima subalit idi­neklara itong patay na ng attend­ing doctor na si Adam Chua.

Nabatid naman sa mister ng biktima na ang bag na tina­ngay ng suspect ay naglala­man ng NOKIA N95 cellphone, wallet na naglalaman din ng hindi pa na­ba­batid na halaga ng salapi.

Bukod sa robbery hold-up, tinitingnan din ng pulisya ang po­sibleng atraso sa pautang bi­lang motibo sa pamamas­lang sa huli ma­tapos na ma­pag-alaman na ang nasabing ginang ay nagpa­pa-5-6.

Show comments