October 10, 2007 | 12:00am
Isang kawani ng Caloocan City Hall ang nasa malubhang kalagayan makaraang barilin ito ng isa sa dalawang holdaper na tinangka nitong pigilan matapos na mambiktima ng isang Bombay kahapon ng hapon sa nasabing lungsod. Nakilala ang biktima na si Paulo Cuarisma, 43, may-asawa, nakatalaga sa Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM) at residente #176 Reparo Street, Bagong Barrio ng nabanggit na lungsod. Base sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-3 ng hapon sa panulukan ng A. Mabini Street at C-4 Road , Caloocan City. Nabatid na kasalukuyang nagsasagawa ng pag-aayos ng daloy ng trapiko ang biktima, nang marinig nito ang malakas na sigaw ng isang Indian National kasabay ng mabilis na pagtakbo ng dalawang kalalakihan. Dala ng tawag ng tungkulin ay agad na hinarang ng biktima ang isa sa mga suspek subalit sa halip na tumigil ay agad itong pinaputukan sa katawan na naging dahilan upang masugatan ito. Duguang humandusay ang biktima na agad na isinugod sa pagamutan. (Lordeth Bonilla)
3 holdaper natimbog
Arestado ang tatlo sa apat na miyembro ng kilabot na “Batang City Jail” (BCJ) Gang matapos na holdapin ng mga ito ang isang welder, kamakalawa ng gabi sa Pasay City. Robbery hold-up at paglabag sa Omnibus Election Code ang mga kasong kinakaharap ngayon ng mga suspect na sina Ariel Dalore, 45, Antonio Samson, 45, at Reynan Versoza, 36, pawang mga residente ng 715 at 712 Apelo Cruz St., ng nabanggit na lungsod. Kasalukuyan namang pinaghahanap ng pulisya ang isa sa kasamahan ng mga ito na kinilala lamang sa alyas “Cosme” na nagawa namang makatakas. Dakong alas-7 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa harap isang hotel sa Taft Avenue, EDSA ng nasabing lunsod. Nabatid na kasalukuyang naglalakad ang biktimang si Richard Romero, 28, binata, residente ng Narra St., Bo. Sto Niño, Pasay City nang salubungin ito ng apat na suspect at mabilis siyang isinalya sa pader ng hotel sabay tutok ng patalim. Nang walang makuhang salapi ay kinuha ng mga suspect ang cellphone ng biktima sa bulsa ng pantalon nito bago nagsitakas ang mga ito, habang ang huli naman ay agad na nagsusumigaw sa paghingi ng tulong. Nakatawag naman ng pansin sa mga tauhan ng Intelligence Unit ang paghingi ng tulong ng biktima at agad na rumesponde ang mga ito na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong suspect. (Rose Tamayo-Tesoro)
P.7-M payroll money tangay sa holdap
Tinangay ng anim na kalalakihan ang P.7-M halaga ng payroll money mula sa may-ari ng isang Manpower services kahapon ng hapon sa Tondo, Maynila. Personal na dumulog sa pulisya si Rosalina Villafuerte, 52, may-ari ng Filipiniana Manpower Services na matatagpuan sa 68 Maysoan Valenzuela City at Enrico Encontro, 34, Supervisor ng nasabi rin agency at residente ng 295 Henares St., Binangonan Rizal. Habang ang mga suspects naman umano ay pawang mga armado ng kalibre .45 at armalite, nakasuot ng puting t-shirt, maong pants at magkakaangkas sa tatlong motorsiklo. Lumalabas sa imbestigasyon, naganap ang panghoholdap sa mga biktima dakong 2:43 ng hapon sa kanto ng Quiricada St., at J. Abad Santos Ave., Tondo. Ang mga biktima ay galing sa pagwi-withdraw ng halagang P700,000 sa Equitable bank sa Binondo branch at pabalik na sila ng kanilang tanggapan sakay ng isang kulay maroon na Honda CRV (XLT-748) nang pagsapit sa naturang lugar ay harangin ng mga suspects. Tinabihan umano ng mga suspects ang sasakyan ng mga biktima at mabilis na naglabas ng kalibre .45 at inutusan na buksan ang kanilang sasakyan. Kinuha ng mga suspects ang pera na nakalagay sa isang duffle bag sa likurang bahagi ng kanilang sasakyan. Mabilis umanong tumakas ang mga suspect sa iba’t ibang direksiyon matapos na makuha ang pera. (Grace dela Cruz)