Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang barangay tanod ng dalawang hindi nakikilalang suspect makaraang sitahin ng una ang mga huli nang mabangga siya ng mga ito sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.
Ang biktimang idineklarang dead-on-the spot ay nakilalang si Arnulfo Sapico, may-asawa, Brgy. Tanod ng Brgy. 7 Zone 1, ng 131 Mata St., Tondo sanhi ng tama ng saksak sa katawan.
Habang inaalam naman ang pagkakakilanlan sa suspek na tumakas matapos ang insidente.
Nabatid sa imbestigasyon naganap ang insidente dakong ala-1:00 ng madaling araw sa kanto ng Padre Rada at Ilaya Sts., Tondo.
Ang mga suspect ay magka-angkas umano sa kanilang kulay itim na motorsiklo nang nabangga nila ang biktima dahilan upang sitahin ng mga ito ang huli.
Ngunit sa halip na humingi ng dispensa at makipag-ayos sa biktima ay inaway pa ng dalawa ang una hanggang sa nauwi sa mainitang pagtatalo.
Mabilis umanong naglabas ng patalim ang isa sa mga suspect at pinagtulungan saksakin ang biktima. (Grace dela Cruz)