Hindi na mapapanood nang libre ng mga residente ng Maynila ngayong Linggo ang laban ni People’s Champ Manny Pacquiao kay Marco Antonio Barrera matapos na ipatigil ito ng city government.
Dismayado ang mga residente ng Tondo, Maynila makaraang ipahinto ni Manila Mayor Alfredo Lim ang libreng pagpapalabas ng laban ni Pacquiao sa Del Pan Sports Complex.
Ang nasabing sports complex ay isa lamang sa mga lugar na pinagdarausan ng pagpapalabas ng mga naunang laban ni Pacquiao noong si Lito Atienza pa ang alkalde ng Maynila.
Ayon naman kay Vice Mayor Isko Moreno, maraming iniwang utang ang administrasyon ni Atienza kaya kailangan magtipid ang city government.
Ipinaliwanag ni Moreno na mas mailalaan sa pangangailangan ng mga residente ng Maynila ang pondong ibabayad sa pagpapalabas ng laban ni Pacquiao at ang paglalaan ng pondo sa mga proyekto ng city government.
Idinagdag pa ni Moreno na mapapanood din naman ng mga tao ang laban ni Pacquiao sa kanilang mga tahanan.