Hihingi ang transport groups ng dagdag pasahe na P1.50 sa minimum na pasahe sa jeep nationwide.
Ayon kay Zeny Maranan, National President ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association in the Philippines (FEJODAP), takdang magsampa ng petisyon ang kanilang hanay sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) para sa dagdag na pasahe sa mga pampasaherong jeep sa buong bansa.
Ayon kay Maranan, panahon na para humingi sila ng dagdag singil pasahe sa mga pampasaherong jeep lalo pa nga’t sunud-sunod na naman ang pagtaas ng halaga ng diesel sa bansa.
Gayunman, sinabi ni Maranan na hindi naman nila itutuloy ang pagsasampa ng fare increase kung mananatiling P35.00 ang halaga ng diesel kada litro.
Anya, sa kasalukuyan, umaabot na sa P35.90 ang halaga ng diesel kada litro.
Kung aaprubahan ng LTFRB ang kanilang kahilingan, aabutin na sa P8.50 ang minimum na pasahe mula sa kasalukuyang P7.00.
Sinabi naman ni Homer Mercado, Pangulo ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP) na kakausapin pa niya ang kanilang hanay upang mapagdesisyunan kung hihingi din ng taas pasahe sa mga pampasaherong bus. (Angie dela Cruz)