Apat na pinaghihinalaang miyembro ng notoryus na carjacking gang ang napatay sa shootout ng mga elemento ng PNP-Traffic Management Group (PNP-TMG) Task Force Limbas matapos ang ilang minutong habulan sa kahabaan ng C-5 Road sa Taguig City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni PNP-TMG Director Chief Supt. Perfecto Palad sa pamamagitan ng nakuhang identification card ang dalawa sa mga napatay na suspect na sina Isao Gona, 45, ng Murphy, Quezon City at Gerardo Lasi Moster, 32; ng Lipa City.
Patuloy namang inaalam ang pagkakakilanlan sa dalawa pang natodas na carjackers.
Bago ito, ayon kay PNP-TMG Task Force Limbas/Special Operations Division Chief Sr. Supt. Fernando Villanueva ay nakatanggap sila ng im pormasyon kamakalawa bandang alas-9 ng gabi na aatake ang isang grupo ng mga carjackers sa kahabaan ng C-5 kung saan ay agad silang nakipagkoordinasyon sa TMG-National Capital Region Traffic Management Office para maglatag ng chokepoints.
Nabatid na naganap ang shootout sa kahabaan ng C-5 Road, Brgy. Buting, Taguig City dakong alas-2 ng madaling- araw.
Ayon kay Palad, ang mga suspect ay pawang mga dating miyembro ng pulisya at militar ay responsable umano sa serye ng carjacking na nagaganap sa C-5 Road.
Nabatid na hinarang ng PNP-TMG’s anti-carnapping unit, Task Force Limbas ang kahina-hinalang copper-orange na Mitsubishi Adventure na may plakang XRS-951 na sinasakyan ng mga suspect. Ang nasabing plate number ay natuklasang orihinal na plaka ng isang Toyota Revo na pag-aari ni Rema Advincula ng 50-A, K-4th, Kamuning, Quezon City na nawala habang nakaparada sa Mai Alta Subdivision sa Antipolo City noong Abril 9, 2006.
Wala umanong LTO stickers ang nasabing sasakyan kung saan pagsapit sa chokepoints ay humagibis ito bunsod upang tugisin ang mga ito ng mga operatiba. Imbes na huminto ay pinaulanan ng mga suspect ng putok ng baril ang operatiba dahilan upang gumanti ang mga ito.
Tatlo sa mga suspect ay namatay noon din, habang idineklara namang dead on arrival sa Rizal Medical Center sa Pasig City ang driver na si Gona.
Narekober ng mga awtoridad sa loob ng Mitsubishi Adventure ang tatlong cal. 45 pistols, isang fragmentation grenade, tatlong mobile cellphones at iba pa.