Pabrika sa Pasig ipinasara dahil sa kemikal leak

Ipinasara ng lokal na pa­ma­halaan ng Pasig City ang isang pabrika na pinag­mulan ng masa­mang amoy na nagresulta sa pagkaka­ospital ng anim katao ka­bi­lang ang tatlong bata kama­kalawa ng gabi sa Pasig City.

Kahapon ay inatasan na ni Pasig Mayor Bobby Eusebio si Raquel Na­cion­gayo ng City Environ­ment and Natural Re­sources Office (CENRO) na pansa­mantalang ipa­hinto ang operasyon ng Dai-Ichi ware­house na ma­tatag­puan sa Brgy. Maybunga, Pasig City.

Ayon pa sa alkalde ang pabrika ay lumabag sa city ordinance 09-91 na nagsa­saad ng pagbaba­wal na mag-stock ng ha­zardous industrial waste.

Nabatid na dakong alas-3 ng hapon kamaka­lawa ng makalanghap ng masakit sa dibdib na amoy ang mga residente ng Eusebio Bliss Village na matatagpuan sa F. Legaspi st., at Jenny’s Ave. Brgy. Maybunga.

Kaagad na nakaram­dam ng pagkahilo at pag­su­suka ang mga resi­dente at nagkaroon din ng mga pantal sa kanilang katawan kung kaya’t isinu­god ang mga ito sa Pasig City General Hospital.

Mabilis namang na­tukoy ng ipinadalang team ng CENRO ang chemical leak sa nasabing kompan­ya na gawaan ng ap­pliances na halos umabot 1,000 metro ang layo sa mga kabahayan.

Dahil dito inatasan din ni Eusebio ang CENRO na magsagawa nang inspek­syon sa lahat ng pabrika at warehouse para mabatid kung sumu­sunod ang mga ito sa ordinansa.

Nakatakdang sampa­han ng kaso ang nasabing kompanya dahil sa kapa­ba­yaan nito na nagresulta sa pagkakaospital ng mga residente. (Edwin Balasa)

Show comments