Pabrika sa Pasig ipinasara dahil sa kemikal leak
Ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Pasig City ang isang pabrika na pinagmulan ng masamang amoy na nagresulta sa pagkakaospital ng anim katao kabilang ang tatlong bata kamakalawa ng gabi sa Pasig City.
Kahapon ay inatasan na ni Pasig Mayor Bobby Eusebio si Raquel Naciongayo ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) na pansamantalang ipahinto ang operasyon ng Dai-Ichi warehouse na matatagpuan sa Brgy. Maybunga, Pasig City.
Ayon pa sa alkalde ang pabrika ay lumabag sa city ordinance 09-91 na nagsasaad ng pagbabawal na mag-stock ng hazardous industrial waste.
Nabatid na dakong alas-3 ng hapon kamakalawa ng makalanghap ng masakit sa dibdib na amoy ang mga residente ng Eusebio Bliss Village na matatagpuan sa F. Legaspi st., at Jenny’s Ave. Brgy. Maybunga.
Kaagad na nakaramdam ng pagkahilo at pagsusuka ang mga residente at nagkaroon din ng mga pantal sa kanilang katawan kung kaya’t isinugod ang mga ito sa Pasig City General Hospital.
Mabilis namang natukoy ng ipinadalang team ng CENRO ang chemical leak sa nasabing kompanya na gawaan ng appliances na halos umabot 1,000 metro ang layo sa mga kabahayan.
Dahil dito inatasan din ni Eusebio ang CENRO na magsagawa nang inspeksyon sa lahat ng pabrika at warehouse para mabatid kung sumusunod ang mga ito sa ordinansa.
Nakatakdang sampahan ng kaso ang nasabing kompanya dahil sa kapabayaan nito na nagresulta sa pagkakaospital ng mga residente. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending