Minalas ang isang holdaper matapos na biktimahin nito ang isang pulis kung kaya’t sa kulungan ito bumagsak kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila. Nakilala ang suspect na si Sonny Arces at ang kan yang biniktima ay si PO1 Mark Joseph Vergara, 22, nakatalaga sa RSHU, National Capital Regional Police Office sa Bicutan, Taguig City. Nabatid na naaresto ang suspect dakong alas-10 ng gabi sa kanto ng Hermosa at Jose Abad Santos Sts., Tondo.
Napag-alaman na naglalakad umano sa naturang lugar ang pulis nang lapitan siya ng suspect na armado ng kalibre .38 at nagdeklara ng holdap. Ngunit nang makita ang posas sa likuran ni Vergara at matanto na pulis ang kanyang binibiktima ay bigla umanong nataranta ang suspect kaya nagbunot ito ng hawak niyang baril at tinangkang barilin ang parak subalit hindi ito pumutok kung kaya mabilis na tumakas. Gayunman nadakip din ito ng mga nagpapatrulyang tauhan ng pulisya. (Grace dela Cruz)