Dalawang magkaibigan ang hinarang at pinagsasaksak ng apat na menor-de-edad na kalalakihan habang ang mga ito ay papauwi mula sa isang birthday party kahapon ng madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.
Isa ang nasawi na nakilalang si Michael Pombo,18, residente ng #1840 G.Tuazon St., Sampaloc Manila, habang ginagamot sa Ospital ng Sampaloc ang kaibigan nitong si Raymart Ignacio, 17.
Nabatid sa ulat, ang insidente ay naganap dakong alas-3:30 ng madaling-araw habang ang mga biktima ay naglalakad papauwi sa kanilang bahay mula sa birthday ng kaibigan ng mga ito na nakilalang si Mary Joy Ignacio nang biglang kuyugin ng grupo ng mga suspect.
Mabilis umanong sinaksak ng ice pick ng isa sa mga suspect si Pombo at pinagbubugbog naman si Ignacio.
Ang mga suspects ay tinatayang nasa edad umano mula 15-17 taong gulang ay mabilis na nagsitakas matapos ang insidente.
Malaki ang paniniwala ng pulisya na mga miyembro ng kilabot na fraternity ang mga suspects at napagdiskitahan ng mga ito ang mga biktima. (Grace dela Cruz)