Permanenteng CHED chairman, giniit
Humingi na ng saklolo kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang mga empleyado ng Commission on Higher Education (CHED) para magtalaga na ito ng permanenteng Chairman ng kagawaran upang hindi maapektuhan ang kalidad ng edukasyon sa kolehiyo dahil sa magulong sistema nito ngayon.
Sa dalawang pahinang liham na ipinadala ng Commission on Higher Education Em ployees Union (CHEDEU) na nilagdaan ng may labing anim mula sa kabuuang bilang na dalawampu’t limang Central at Regional Directors, nakasaad dito ang namumuong krisis sa edukasyon dahil sa kawalan umano ng permanenteng mamumuno sa kagawaran.
“We are aware that Chairman Romulo Neri’s stay at CHED is temporary, hence, we appeal to Her Excellency to put special attention in the appointment of officials in the Commission in accordance with the provisions of Republic Act No. 7722, otherwise known as the Higher Education Act of 1994.” Sinasabi sa pinadalang sulat.
Bukod dito umaabot na sa may 200 mula sa tinatayang 300 mga empleyado ng kagawaran ang pumirma na para sa nasabing kahilingan na ipinaabot sa Malacañang.
Magugunita na pansamantalang itinalaga ni Pangulong Arroyo si dating socio-economic planning Secretary Romulo Neri bilang officer-in-charge ng CHED noong Agosto 15 na manu nungkulan sa loob ng anim na buwan makaraang sibakin bilang CHED chairman si Carlito Puno dahil umano sa kabagalan nitong ipatupad ang pag-implementa sa “Ladderized Education Program” (LEP) ng gobyerno.
Naapektuhan naman ang trabaho ni Neri sa kagawaran matapos na isa ito sa mga nagdiin kay bagong bitiw na Commission on Election (COMELEC) Chairman Benjamin Abalos Sr. na umano’y nanuhol sa kanya upang maipalusot ang may $329.4 milyon ZTE Broadband deal na ngayon ay mariin kinukuwestiyon ng ilang opisyal ng CHED at maging ng private school owners at mga miyembro ng Coordinating Council of Private Educational Association (COCOPEA) na magagampanan nito ang kanyang trabaho sa kabila ng mga kontrobersiyang kinakaharap ngayon.
Umaasa naman ang pamunuan ng empleyado ng CHED na pakikinggan ng Malacañang ang kanilang hinaing para sa ikagaganda ng sistema ng kolehiyo. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending