6 timbog sa pagbili at pagbebenta ng kidney
Malalim na imbestigasyon ang isinasagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) kung sangkot ang ilang doktor tungkol sa bentahan ng kidney ng tao, matapos na anim na suspek ang inirekomendang kasuhan ng Kagawaran dahil sa illegal trade ng human kidney.
Nabatid na inirekomenda ni Head Agent Roland Arga ng NBI-Field Operations Division (FOD) na kasuhan ng Anti-Human trafficking in Persons Act of 2003 ang mga suspek na sina Ryan Aguinaldo, 26; Jose Plandez, 35; Rico Jusay; Rachel Jusay, Carl Jusay at Sheryl Jusay.
Ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek ay bunsod sa reklamo ng mga biktimang sina Vergil Mendoza, Dennis Paitan, Allan Dalawampo, Ruel Omal, Edel Decena, Francis Malto, Miguel Targa, Reymar Callado, Jimmy Lagutin, Ben Velasco at Amado Davin.
Ayon sa report ni NBI-FOD kay Deputy Director Intelligence Services (DDIS) Ruel Lasala, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa pagre-recruit ng mga tao na gustong ibenta ang kanilang mga kidney.
Inaalok umano ang mga biktima ng halagang P300,000 kapalit sa pagbebenta ng kanilang mga kidney kaya’t isang NBI agent ang nagpanggap na kidney donor at ginamit ang bahay ni Rico na lugar kung saan sila nagre-recruit.
Bukod dito nasundan din ng NBI ang isang Hyundai Pregio na may plakang -RET 383 na siyang ginamit ng mga suspek upang dalhin ang kanilang mga recruits sa San Juan City bago idineretso sa New World Diagnostic Center sa D. Tuazon St., Brgy Sta. Teresita, Quezon City at dito sila inaresto. Napag-alaman na karamihan sa mga kliyente nila ay mga foreigners mula sa Middle East. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending