12 UP students kinasuhan sa hazing
Sinampahan ng kasong administratibo ng pamunuan ng University of the Philippines (UP)-Diliman ang 12 mag- aaral na kasangkot umano sa pagkamatay ng hazing victim na si Chris Anthony Mendez.
Ayon kay UP Vice Chancellor for Student Affairs Elizabeth Enriquez, kasong misconduct ang isinampa nila sa Student Disciplinary Tribunal laban sa mga suspek na pawang mga opisyal at miyembro ng Sigma Rho Fraternity.
Gayunman, tumanggi si Enriquez na pangalanan ang mga kinasuhang mag-aaral dahilan sa confidential umano ang kanilang disciplinary records.
Nasa kamay na anya ng tatlong miyembro ng Tribunal na pangungunahan ni Atty. Jonathan Sale ang kalalabasan ng paghuhusga sa kasong nabanggit.
Sinabi ni Enriquez na mula suspension hanggang expulsion ang parusang maaaring ipataw sa mga suspek kapag napatunayang guilty ang mga ito sa kaso.
Agosto 27 ng namatay sa hazing si Mendez, 4th year graduating student ng National College for public Administration sa UP Diliman.
- Latest
- Trending