Matinding perhuwisyo sa mga motorista ang idinulot kahapon ng matinding pagsisikip ng trapiko sa kahabaan ng C-5 Road sa Libis, Quezon City matapos na mahigit sa 50 jeepney drivers ang naglunsad ng kilos-protesta upang kondenahin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa pagpapasara sa isang “U-turn slot”. Dakong alas-6 ng umaga nang mag-umpisang iparada ng mga driver ang kanilang mga pampasaherong jeep sa tapat ng isang shopping center sa Libis na nagresulta ng pagbubuhol ng trapiko mula Ortigas Avenue Extension hanggang Santolan Road sa Camp Aguinaldo. Tinuligsa ng mga driver na may rutang Cubao-Bagumbayan ang ginawang pagsara ng MMDA sa kanilang “U-turn slot” may isang buwan na ang nakakalipas na nagdulot umano ng matinding hirap sa kanila dahil sa kailangan pa nilang umikot ng malayo para makatawid sa kabilang bahagi ng kalsada. (Danilo Garcia)