P25-M halaga ng shabu nasamsam
Nalansag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang malaking sindikato ng droga makaraang maaresto ang dalawa katao kabilang ang isang Tsinoy sa ginawang buy-bust operation kung saan nakuha sa mga ito ang tinatayang 10 kilo ng high grade shabu na nagkakahalaga ng P25 milyon noong Martes sa Parañaque City.
Kahapon ay iprinisenta sa media sa NCRPO Headquarters sa Camp Bicutan, Taguig ang mga suspek na sina Ang Ahua 47, ng Ongpin St. Binondo at Salik Sangote 21, ng Arlegui St. sa Quiapo, Maynila.
Ayon kay NCRPO chief Deputy Director Reynaldo Varilla, ang mga suspek ay kabilang sa “Binondo-Quiapo Connection”, isang malaking sindikato sa pagbebenta ng shabu.
Dagdag pa ni Varilla na sa mga susunod na araw ay marami pang malalaglag na mga kasamahan nito dahil sa kanilang gagawing follow-up operations. Ayon kay Supt. Napoleon Villegas, hepe ng investigation and operating unit ng NCRPO, ang pagkakadakip sa mga suspek ay bahagi ng ginawang follow-up operation sa pagkakaaresto ng dalawa pang miyembro ng sindikato na sina Chua Liong at Marlon Angote noong Setyembre 6 sa Maynila, ang mga ito ay nakuhanan ng 2 kilo ng shabu.
Matapos ang ginawang interogasyon sa mga naunang suspek ay nagsagawa ng operasyon ang NCRPO nitong Setyembre 25 ng gabi sa harapan ng isang spa sa NAIA Road sa Parañaque City matapos na kumagat sa isang drug deal ang nasabing sindikato.
Matapos ang palitan ng P25 milyon halaga ng pera na dala ng isang pulis na nagpanggap na posseur buyer at 10 kilo ng shabu ay isinagawa ang pag-aresto sa dalawa na hindi na nakuha pang makatakas.
- Latest
- Trending