Pinoy youth na nagkakasakit sa puso, dumarami
Mas dumarami pa ngayon ang bilang ng mga kabataang nagkakasakit sa puso kaysa sa mga matatanda gaya ng mga nagdaang taon.
Ito ang lumabas sa forum na pinangunahan ng Philippine Heart Association Inc. (PHAI) sa Quezon City kaalinsabay ng pagdiriwang sa World Heart Month ngayong Setyembre.
Sinabi ni Dr. Efren Vicaldo, Pangulo ng PHAI, ang pagdami ng bilang ng mga overweight, obese at may sakit sa puso na mga tao partikular ng mga kabataan ay bunsod na rin ng makabagong teknolohiya sa kasalukuyan, pagkakaroon ng unhealthy lifestyle, walang ehersisyo, walang proper diet at paninigarilyo.
Napag-alaman na sa buong mundo, umaabot sa 1.1 bilyon katao ang overweight at 320 milyon katao ang obese.
Sa Pilipinas, taong 2003 umaabot sa 19.6 percent ang mga overweight at may 4.9 percent Pinoy ang obese. Ito ang mga bagay na pinagmumulan ng sakit sa puso.
Sinabi pa ni Vicaldo na karamihan sa mga kabataan ay nagiging obese dahil sa pagkahilig kumain sa mga fast food chain na sobrang dami ng taba sa mga kinakain. Wala rin anyang ehersisyo ang mga kabataan dahil kapag nasa bahay ang mga ito ay nasa harapan na ng TV o computers at dito na nauubos ang oras na hindi naman sila pinagpapawisan.
Anya, ang mga kabataang may edad mula 3 hanggang 5 taon ay may 1.9 percent sa Pilipinas ay overweight, 6 hanggang 10-anyos ay 1.5 percent ang overweight at 11 hanggang 19-anyos ay 6.1 percent ang overweight.
Kaugnay nito, hinikayat naman ni Dr. Cristina Dabio, Department of Health ang mga magulang na sila ang manguna na gawing healthy ang pagkain ng mga anak tulad ng pagkain ng mga gulay, prutas at iwasan ang mga fatty foods lalu na sa pagkain sa mga fast food chain.
Iniulat din nito na nakipag- ugnayan na sila sa mga pamunuan ng mga fastfood chain sa bansa na magbenta ng mas mababa ang taba ng mga pagkain upang makatulong naman ang mga itong maibaba ang bilang ng mga kabataang obese.
Umaabot din sa 29.6 percent na ng mga kabataan ang naninigarilyo sa ngayon at may 14.4 percent naman ang regular na naninigarilyo.
Hinimok din ng PHAI ang publiko na ugaliin ang paglalakad ng may 400 meters sa isang araw dahil malaking tulong ito para mapasigla ang ating puso.
Napag-alaman din sa PHAI na umaabot sa 32 inches ang bewang ng babae at 35 inches ang bewang ng mga lalaki na hindi pa obese pero kailangan ng maging alerto sa mga kinakain at dapat ay magkaroon ng healthy lifestyle.
Isa anila ang sakit sa puso sa mga killer disease sa Pilipinas kayat dapat pangalagaan ang ating mga puso.
- Latest
- Trending